ni Carlo Lorenzo J. Datu
LUNGSOD NG TARLAC, Abril 18 (PIA) -- Matagumpay na naidepensa ng Gitnang Luzon ang korona sa National Population Quiz (POPQUIZ) matapos manalo ang pambato nito na si Jose Mari G. Agustin sa 2011 edisyon ng kumpetisyon na ginanap sa lungsod ng Tarlac.
Ayon kay Commission on Population (POPCOM) Region 3 information officer Rose Baluyut, tinalo ng 16-anyos na si Agustin ng Tarlac National High School (TNHS) ang 16 na iba pang regional champions matapos makakuha ng 23 puntos sa pagtatapos ng difficult round.
Anim na katanungan na may tig i-isang puntos ang itinanong sa Easy round, pitong tanong na may tig-dalawang puntos sa Average round, at pitong tanong na may tig-tatlong puntos sa Difficult round.
Si Agustin ay nakakamit ng sampung libong piso at tropeo habang ang mga hindi naman nagwagi ay nakakuha ng tig-dalawang libong piso at plaque of recognition.
Si Agustin ang ika-apat na tiga Gitnang Luzon na itinanghal na National POPQUIZ champion matapos sina Mary Grace Teofilo ng Bataan National High School (1995), Alvin Gaspar ng Honorato C. Perez Memorial Science High School sa lungsod ng Cabanatuan (1999), at Imee Rose B. Estrada (2009) na nagmula rin sa Tarlac National High School.
Ang POPQUIZ ay nasimula noong dekada 70 sa Gitnang Luzon bilang isang barangay-based activity ng “Gintong Butil” - ang radio program ng POPCOM at National Media Production Center na predecessor ng Philippine Information Agency.
Ang mga residente ang nagsilbing mga contestants nito kung saan ang mga tanong ay base sa mga isinagawang lecture patungkol sa population at family planning.
Pormal itong inilunsad bilang paligsahan para sa mga 4th year high school students noong 1981 sa tulong ng noo’y Department of Education, Culture and Sports (DECS) at Provincial & City Population Offices.
Ang mga mag-aaral ay nagpapautakan sa apat na lebel: school, division, regional, at national.
Paliwanag ni Baluyut na ang edisyong ito ng National POPQUIZ ay nakatakda sanang isagawa noong Nobyembre, 2010 subalit napagdesisyunan ng DEPED na ilipat ito sa Abril upang sumabay sa kauna-unahang National Festival of Talents.
Bukod sa quiz proper, nagkaroon din ng mga parallel sessions patungkol sa population, health and environment at mga on-the-spot poster, essay and jingle making contests. (WLB/CLJD PIA 3)
Information courtesy from http://www.pia.gov.ph/?m=1&t=1&id=28085&y=2011&mo=04